Ang lihim na pinto pabalik sa Halamanan ng Eden

Standard

O God! can I not save
One from the pitiless wave?
Is all that we see or seem
But a dream within a dream?”
~ Edgar Allan Poe, (1809-1849)

Minsan ay nanaginip si Jesus King ang panganay kong anak. Isang umaga, tinanong niya ako: “Papa Honorio, bakit po ba nananaginip ang tao at saan po ba nanggagaling ang ating mga panaginip?”

“Pagtimpla mo muna ako ng kape anak,” ang utos ko sa kanya habang umaakyat kami sa ikatlong palapag ng aming bahay.

Nang dumating na ang mainit at umuusok na kape, umupo kaming mag-ama sa dalawang magkaharap na silya sa tapat ng maliit na mesa at nagsimula na akong mag-kuwento:

“Noong unang panahon hindi nananaginip ang mga tao. Walang bumabagabag sa kanyang pagtulog. Gumigising ng masarap ang pakiramdam at payapa ang isipan. Walang kasing ganda ang silahis ng araw na bumabalot sa umaga. Ang mga tao’y bumabangon lagi ng masaya at lumilipas ang araw ng walang problema.

Ito ang panahong nasa paraiso pa ang ninuno nating si Eba at si Adan. Hawak mo ang lahat ng oras, nagagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin. Walang kumokontra, walang “conflict”, buo ang pagkatao at napakaligaya.

Ngunit ng magkasala si Eba at Adan ng kainin ang bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng paraiso na ipinagbabawal ng Diyos na kainin, nagsimulang mawala ang kaisahan sa pagkatao ng bawat nilalang. Lumisan ang tunay na ligaya na nadarama ng kanyang puso. Nagkaroon ng oras, hindi na niya magawa ang lahat ng kanyang gustong gawin. Marami ng isinasaalang-alang, laging may pagdadalawang isip at kung anu-ano ang hinahanap. Trabaho ng trabaho, gawa ng gawa, ngunit tila laging may kulang ang buhay upang maging maligaya.

 

At dahil wala na sa paraiso ang tao, napuno ng kaguluhan at labis na pag-aalala ang kanyang isipan. Sa tuwi-tuwina, lagi ng may takot at pangmba ang kanyang puso.

Mula noon, “malayong-malayo na ang tao sa Diyos”, tuluyan na siyang naligaw ng landas, nagsimula ng managinip ang mga tao. Madalas ang mga panaginp niya ay larawan ng labis na pagkabalisa (anxieties); hindi maunawaang takot (fears); mga pangamba (worries); hindi mapanatag na desisyon kung ano ba ang dapat at hindi dapat gawin (conflicts).

Dahil nawala na sa paraiso ang tao, nagkaroon na siya ng magulong kalagayan at hindi maunawaang karanasan sa mundo, at habang ito ay nararanasan niya sa kanyang sarili, ang hindi niya alam, nagsisikap parin ang “unconscious self” niya na makabalik sa dati niyang kalagayan – isang masayang buhay, na walang problema, kung kaya’t bukod sa madalas mapanaginipan ay may kaugnayan sa “anxieties, fears, worries at conflicts” kung magkaminsan ang ating mga panaginip ay may kaugnayan sa “wish fulfillment.”

“Wish fulfillment” kung saan, “akala mo’y totoong-totoong nangyayari at natutupad sa iyong panaginip ang isang bagay na hindi mo magawa sa “walking life” mo o sa panahong ikaw ay gising, pero sa panaginip, tulad ng nasabi na, successful at maligaya ang damdamin dahil natupad at napangyari mo sa iyong panaginip ang isang bagay na hindi mo mapangyari ni minsan habang ikaw ay gising.” Ngunit pagising mo, magugulat ka pa, yong panaginip mo kagabi na akala mo’y tunay na tunay ay hindi naman pala nangyari sa katotohanan.

Ang totoo, pansamantalang pinatikim ka ng iyong diwa habang ikaw ay tulog ng isang pangyayari, may katumbas na tila nakabalik ka sa isang kalagayang nasa paraiso – walang problema, masaya at maligaya.

Pero dahil hindi nga ito totoo, sa muli mong pagtulog, mananaginip ka na namang muli, at walang katapusang pagtulog at panaginip, habang ikaw ay hindi pa nakakabalik sa tunay at dati mong tirahan – ang isang masaya at walang problemang halamanan ng Eden.

Sa madaling salita Anak, sa panahong ikaw ay mahimbing na natutulog at wala sa iyong sarili, alam na alam ng “unconscious self” mo ang tunay niyang tahanan, isang masayang paraiso na lagi niyang binabalik-balikan, ngunit sa tuwing ikaw ay nagigising muli ka na namang naliligaw ng landas.”

Nagsalita si Jesus King: “Kaya po pala nananaginip ang isang tao ay bumabalik si unconscious self sa paraiso?”

“Tama anak” ang sagot ko sa kanya, “Si unconscious self ay hindi taga-rito sa ating mundo, iba ang kanyang daigdig sa daigdig natin. Kung kaya’t sa tuwing ikaw ay tulog, at nananaginip wala kang kamalay-malay, humuhulagpos si “unconscious self” na hindi natutulog sa iyong pagkatao, kung saan-saan siya naglalakbay hanggang sa marating niya ang isang lihim na pinto, kumakatok siya dito, ito ang pintuan ng tunay niyang tahanan – ang halamanan ng Eden.”

***

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *