Ang Mahiwagang Aklat ni Dikong Ben

Standard

“The virtuous man contents himself with dreaming that which the wicked man does in actual life.” ~ Sigmund Freud, The Interpretation of Dreams

Noong nag-aaral pa ako ng college magkakasama kaming magkakapatid sa boarding house. Ito ay isang lumang bahay noong panahon pa ng mga Americano, na matatagpuan sa 82 Orozco St., Quiapo, Manila.

Kasama ko sa nasabing boarding house ang mga katapid kong sina, Core, Jesse, at si Dikong Ben. Ngunit ng maka-gradueyt na si Core ng kursong Accounting sa FEATI University, habang si Jesse naman ay nag-asawa na, dalawa na lang kami ni Dikong Ben na nakatira sa boarding house.

Masyadong malaki para sa dalawang tao ang nasabing boarding house at inabisuhan na rin kami ng may ari na si Mr. Ocampo na nagbabalak na silang ipa-renovate ang lumang bahay kaya naghanap kami ng bagong malilipatan.

Makalipas ang dalawang linggong pag-galugad sa Maynila ng isang lugar na malapit sa FEU at malapit din sa Escolta, sa PNB Escolta Branch kasi nagta-trabaho ng panahon iyon si Dikong Ben, hindi naman kami nabigo ng paghahanap.

Nakatagpo kami ng suwetong-suweto sa aming pangangailangan. Isang bagong-bagong building sa dulo ng Alvarez St., Sta. Cruz, Manila. Sa mataas na building na iyon, sa ika-apat na palapag, pinili namin ang isang maliit na silid na bagong pintura at kagagawalang. “Saktong-sakto ‘to para sa ating dalawa Honorio” ang masaya at may pagmagmamalaking wika ni Dikong Ben habang pinagmamasdan namin ang makipot na silid na kaming dalawa palang ang babasal o unang titira.

Isang kulimlim na araw ng Linggo, dumudungaw pa lang ang sikat ng araw sa silangan na natatakpan ng manipis na ulap, ng kami ay lumipat sa nasabing boarding house sa Sta. Cruz.

Sakay ng isang karitela, marami pang bumibiyaheng karitela o kalesa sa Quiapo ng mga panahong iyon na kadalasang sinasakyan ng mga nagdadala ng bulto-bultong paninda sa Quinta Market. Mas piniling upahan ni Dikong Ben ang karitela sa halip na taxi upang mailipat sa bago naming boarding house ang napakarami niyang abubot.

Ilan sa mga abubot ni Dikong Ben ay ang katakut-takot na mga kung ano-anong klaseng libro sa panghuhula, lalo na sa astrology at sa numerology ang hinakot namin. Walang itinirang anomang kalat, inilipat namin lahat sa bagong boarding house ang kanyang mga abubot.

Humigit kumulang dalawang taon din kaming nagsama ni Dikong Ben sa nasabing boarding house. Sa pagkakatanda ko 2ndyear college palang ako noon, kaya lang ang masaklap ng magpo-4th year college na ako, nag-asawa na si Dikong Ben, lumipat sila ng bahay ni Ate Ningning sa Mandaluyong, kaya na-obliga naman akong mag-uwian na lang sa Bulacan.

Malapit na akong grumadweyt ng college noong panahong iyon. Mula Bulacan tuwing papasok sa FEU para lumuwas ng Maynila, “nagko-commute” na lang ako.

Kaya naman kadalasan, madilim pa ang paligid, hindi pa sumisikat ang araw gising na ako. Nakapaligo na at nakahanda na ang mga gamit sa eskuwela. Bitbit ang ilang mga libro at note book, maglalakad na ako sa street ng San Gabriel palalabas ng aming barangay habang naglalakad naglalanghap ko ang mahalumigmig na simoy ng masarap na hanging amihan sa madaling araw.

Sa bayan, maaga palang nakikipag-agawan na ako sa mga kapwa ko estudyante sa matumal na bumibiyaheng bus, via Bulacan-Divisoria para maupo, kadalasan kasi kung tanghali ka na mag-aabang ng bus punong-puno na ito ng mga pasahero kaya maoobliga kang tumayo.

Kapag naman sinusuwerte kang makaupo, may tatapat sa iyong kapwa mo estudyanteng babae, na kunwaring bigat na bigat at hirap na hirap sa bitbit nyang mga libro. Kapag maganda yong babae, kunwari gentleman ako, pinauupo ko siya at ako na lang ang tumatayo. Nakakataba ng puso dahil matapos magpasalamat kusang malalaglag sa kanyang mga labi ang tipid ngunit matamis na ngiti, ako ang tatayo at siya ang uupo siya naman ang hahawak at kakandong ng mga librong daladala ko.

Pagdating sa Divisoria, hihinto na ang bus sa may Tutuban terminal.Dahil ayaw kong ma-late sa first subject ko na pang-7:30 ng umaga, masungit kasi ang matandang dalagang professor sa Psych 7 na si Mam Gaerlan, na nasa ika-pitong palapag pa ng GSB building ang aming room, kung kaya’t nagmamadali akong papara sa unang Jeep na makikita kong magdadaan sa aking harapan. Kahit punong-puno na ng mga pasahero para akong si Superman mabilis akong makikipagsiksikan ngunit kung sadyang wala ng mauupuan magkakasya na lang akong nakasabit sa likuran ng jeep, tutal sa isip-isip ko maikli lang naman ang biyaheng Divisioria-Morayta lalo na’t sa mga unang oras sa umaga ay wala namang gaanong traffic sa kahabaan ng Recto Avenue.

Pagbaba ng jeep nagmamadaling akong papasok ng main gate ng FEU, kakapkapan ng guwardya o kaya’y sisipatin ang ID nakakabit sa dibdib. Sa kanyang mga mata kahit di nagsasalita mababakas mo ang tinig na, “Pasok na!”

Lalakad akong mabilis patungong GSB lobby dadatnan ko ang napakahabang pila sa elevator ng mga kapwa ko estudyante na nagmamadali din, kaya imbis na maghintay at tumunganga ng pagkatagal-tagal, para mapabilis isusugal ko na lang ang aking mga paa, magkakandarapa akong aakyat sa ika-pitong palapag sa pamamagitan ng hagdanan.

Pagbungad ko sa room 701 nagsisimula na ang klase. Siyempre kunwari mabait ako, magbibigay galang sa prof “Good morning mam!”

Hindi pa nasasayad ang puwet ko sa ika-limang upuan sa 1st row, pasungit na magtatanong si Mam Gaerlan, “Mr. Ong ba’t late ka na naman?”

Kakamot ako ng ulo na kunwaring nahihiya, sa mahinang boses, mangangatuwiran ako: “Sa Bulacan pa po ako umuuwi Mam e!”

“Sa susunod agahan mo ang gising ha!” ang pagalit nyang sabi. Siyempre “Oopo!” na lang ako kahit na sa isip-isip ko, “mahirap kayang gumising ng maaga, magpa-pasko pa naman ang sarap matulog sa madaling araw!”

Dahil magde-December na ng mga panahong iyon, malamig ang simoy ng hangin tuwing umaga, laging may konting ubo si Mam Gaerlan o kaya naman’y madalas siyang masamid sa klase habang nagle-lecture.

“Bili mo muna ko ng strepsil sa baba!” ang utos nya sa akin.

Habang naglalakad pababa sa lumang building na ‘yon, kinakausap ko ang aking sarili pero hindi ako nagsasalita kundi sa isip lang, “kaaakyat ko lang bababa na naman!”

Ganon ang kadalasang nangyayari sa akin tuwing umaga sa GSB Building sa subject ni Mam Gaerlan. Kaya ng matapos na ang sem at kuhanan na ng class card hindi nakapagtatakang kahit na ang dami kong late at minsan ay may mga absent pa, 1.75 ang grade ko.

Naikuwento ko sa inyo ang buhay ko noong nag-aaral pa ako ng college dahil may isang libro si Dikong Ben na kasama sa mga abubot na inilipat namin mula Quiapo patungong Sta. Cruz na tungkol sa panaginip. Lumang-luma na ang librong ito at pilas na ang cover at ang mga unang pahina ay punit-punit na, pero pinagtitiyagaan parin naming basahin.

Noon kasing nagbo-boarding house kami sa Alvarez St., Sta. Cruz, Manila at kahit na noong nasa Quiapo pa kami, madalas akong managinip at sa tuwing ako’y mananaginip, habang nag-aalmusal kinukuha ko ‘yong lumang aklat na iyon ni Dikong Ben, upang tingnan ang kahulugan ng aking mga napapanaginipan.

Hanggang-hanga ako sa librong iyon at hindi ko talaga makalimutan. Tulad ng nasabi ko na, nakapanghihinayang dahil nasira na ang cover at pilas na rin ang ilang mga pahina sa unahan, kaya hindi na nababasa sa libro na iyon ang pangalan ng awtor o kung sino mang tukmol ang sumulat ng nasabing aklat.

Ganon paman, kahit punit-punit na dala ng labis na kalumaan, tulad ng nasabi ko na hangang-hanga ako sa lumang libro na iyon tungkol sa kahulugan ng mga panaginip dahil karamihan sa mga interpretation sa mga bagay-bagay at sa mga pangyayaring madalas kong mapanaginipan ay sakto at tama ang kahulugan.

Isang halimbawa noon nag-aaral pa ako ng college ay madalas akong

managinip ng hagdanan. “Umaakyat daw ako sa isang mataas na hagdanang yari sa bato, na ang parang “setting o panahon” ay medyo hapon na at parang ako lang mag-isa ang umaakyat.”

Kinaumagahan pagka-gising na pagka-gising ko palang,pupungas-pungas pa, dali-dali kong kinuha yong lumang librong ikinukuwento ko sa inyo sa book shelf. Aabutin mo langang nasabing libro sa book shelf na nakapako sa dingding katapat ng lamesang kainan. Kung saan, laging doon nakapuwesto ang libro na ‘yon, para kapag nanaginip ka, habang nag-aalmusal o humihigop ng kape, hindi mo na siya hahanapin, madali mo lang siyang makikita upang basahin.

Tiningnan ko ang kahulugan ng ladder. Nasa wikang English kasi ang nasabing lumang libro ni Dikong Ben tungkol sa kahulugan ng mga panaginip. At ganito ang nakasulat: “Kapag napanaginipan mo na naglalakad ka sa hagdanan at nakarating ka sa tuktok nito, ito ay senyales ng magandang kapalaran. Nangangahulugang mararating mo ang lahat ng iyong mga binabalangkas at pinapangarap sa buhay. Kung ikaw naman ay isang mangangalakal, iihip ang hangin ng kasagaaan sa iyong negosyo at sa pamamagitan ng sarili mong mga palad mapapaunlad at mapagpapala mo ang iyong negosyo hanggang sa ikaw ay yumaman. Kung ikaw ay isang magsasaka, ang hagdanan ay nangangahulugang mamumunga ng marami ang lahat ng lupa na iyong bubungkalin at tataniman, marami kang aanihin hanggang sa ikaw ay umasenso. Kung ikaw naman ay isang estudyante ang hagdanan ay nagpapahiwatig na maaabot mo ang rurok (climax) ng mga inaambisyon mo sa iyong propesyon o sa iyong career. Dagdag dito, sa pangkalahatan, ang hagdanan ay nagpapahayag din ng karangalan, pagsikat at kasaganaan”
***

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *