Ang Mahiwagang Aklat ni Dikong Ben

Standard

“The virtuous man contents himself with dreaming that which the wicked man does in actual life.” ~ Sigmund Freud, The Interpretation of Dreams

Noong nag-aaral pa ako ng college magkakasama kaming magkakapatid sa boarding house. Ito ay isang lumang bahay noong panahon pa ng mga Americano, na matatagpuan sa 82 Orozco St., Quiapo, Manila.

Kasama ko sa nasabing boarding house ang mga katapid kong sina, Core, Jesse, at si Dikong Ben. Ngunit ng maka-gradueyt na si Core ng kursong Accounting sa FEATI University, habang si Jesse naman ay nag-asawa na, dalawa na lang kami ni Dikong Ben na nakatira sa boarding house.

Masyadong malaki para sa dalawang tao ang nasabing boarding house at inabisuhan na rin kami ng may ari na si Mr. Ocampo na nagbabalak na silang ipa-renovate ang lumang bahay kaya naghanap kami ng bagong malilipatan.

Makalipas ang dalawang linggong pag-galugad sa Maynila ng isang lugar na malapit sa FEU at malapit din sa Escolta, sa PNB Escolta Branch kasi nagta-trabaho ng panahon iyon si Dikong Ben, hindi naman kami nabigo ng paghahanap.

Nakatagpo kami ng suwetong-suweto sa aming pangangailangan. Isang bagong-bagong building sa dulo ng Alvarez St., Sta. Cruz, Manila. Sa mataas na building na iyon, sa ika-apat na palapag, pinili namin ang isang maliit na silid na bagong pintura at kagagawalang. “Saktong-sakto ‘to para sa ating dalawa Honorio” ang masaya at may pagmagmamalaking wika ni Dikong Ben habang pinagmamasdan namin ang makipot na silid na kaming dalawa palang ang babasal o unang titira.

Isang kulimlim na araw ng Linggo, dumudungaw pa lang ang sikat ng araw sa silangan na natatakpan ng manipis na ulap, ng kami ay lumipat sa nasabing boarding house sa Sta. Cruz.

Sakay ng isang karitela, marami pang bumibiyaheng karitela o kalesa sa Quiapo ng mga panahong iyon na kadalasang sinasakyan ng mga nagdadala ng bulto-bultong paninda sa Quinta Market. Mas piniling upahan ni Dikong Ben ang karitela sa halip na taxi upang mailipat sa bago naming boarding house ang napakarami niyang abubot.

Ilan sa mga abubot ni Dikong Ben ay ang katakut-takot na mga kung ano-anong klaseng libro sa panghuhula, lalo na sa astrology at sa numerology ang hinakot namin. Walang itinirang anomang kalat, inilipat namin lahat sa bagong boarding house ang kanyang mga abubot.

Humigit kumulang dalawang taon din kaming nagsama ni Dikong Ben sa nasabing boarding house. Sa pagkakatanda ko 2ndyear college palang ako noon, kaya lang ang masaklap ng magpo-4th year college na ako, nag-asawa na si Dikong Ben, lumipat sila ng bahay ni Ate Ningning sa Mandaluyong, kaya na-obliga naman akong mag-uwian na lang sa Bulacan.

Malapit na akong grumadweyt ng college noong panahong iyon. Mula Bulacan tuwing papasok sa FEU para lumuwas ng Maynila, “nagko-commute” na lang ako.

Kaya naman kadalasan, madilim pa ang paligid, hindi pa sumisikat ang araw gising na ako. Nakapaligo na at nakahanda na ang mga gamit sa eskuwela. Bitbit ang ilang mga libro at note book, maglalakad na ako sa street ng San Gabriel palalabas ng aming barangay habang naglalakad naglalanghap ko ang mahalumigmig na simoy ng masarap na hanging amihan sa madaling araw.

Sa bayan, maaga palang nakikipag-agawan na ako sa mga kapwa ko estudyante sa matumal na bumibiyaheng bus, via Bulacan-Divisoria para maupo, kadalasan kasi kung tanghali ka na mag-aabang ng bus punong-puno na ito ng mga pasahero kaya maoobliga kang tumayo.

Kapag naman sinusuwerte kang makaupo, may tatapat sa iyong kapwa mo estudyanteng babae, na kunwaring bigat na bigat at hirap na hirap sa bitbit nyang mga libro. Kapag maganda yong babae, kunwari gentleman ako, pinauupo ko siya at ako na lang ang tumatayo. Nakakataba ng puso dahil matapos magpasalamat kusang malalaglag sa kanyang mga labi ang tipid ngunit matamis na ngiti, ako ang tatayo at siya ang uupo siya naman ang hahawak at kakandong ng mga librong daladala ko.

Pagdating sa Divisoria, hihinto na ang bus sa may Tutuban terminal.Dahil ayaw kong ma-late sa first subject ko na pang-7:30 ng umaga, masungit kasi ang matandang dalagang professor sa Psych 7 na si Mam Gaerlan, na nasa ika-pitong palapag pa ng GSB building ang aming room, kung kaya’t nagmamadali akong papara sa unang Jeep na makikita kong magdadaan sa aking harapan. Kahit punong-puno na ng mga pasahero para akong si Superman mabilis akong makikipagsiksikan ngunit kung sadyang wala ng mauupuan magkakasya na lang akong nakasabit sa likuran ng jeep, tutal sa isip-isip ko maikli lang naman ang biyaheng Divisioria-Morayta lalo na’t sa mga unang oras sa umaga ay wala namang gaanong traffic sa kahabaan ng Recto Avenue.

Pagbaba ng jeep nagmamadaling akong papasok ng main gate ng FEU, kakapkapan ng guwardya o kaya’y sisipatin ang ID nakakabit sa dibdib. Sa kanyang mga mata kahit di nagsasalita mababakas mo ang tinig na, “Pasok na!”

Lalakad akong mabilis patungong GSB lobby dadatnan ko ang napakahabang pila sa elevator ng mga kapwa ko estudyante na nagmamadali din, kaya imbis na maghintay at tumunganga ng pagkatagal-tagal, para mapabilis isusugal ko na lang ang aking mga paa, magkakandarapa akong aakyat sa ika-pitong palapag sa pamamagitan ng hagdanan.

Pagbungad ko sa room 701 nagsisimula na ang klase. Siyempre kunwari mabait ako, magbibigay galang sa prof “Good morning mam!”

Hindi pa nasasayad ang puwet ko sa ika-limang upuan sa 1st row, pasungit na magtatanong si Mam Gaerlan, “Mr. Ong ba’t late ka na naman?”

Kakamot ako ng ulo na kunwaring nahihiya, sa mahinang boses, mangangatuwiran ako: “Sa Bulacan pa po ako umuuwi Mam e!”

“Sa susunod agahan mo ang gising ha!” ang pagalit nyang sabi. Siyempre “Oopo!” na lang ako kahit na sa isip-isip ko, “mahirap kayang gumising ng maaga, magpa-pasko pa naman ang sarap matulog sa madaling araw!”

Dahil magde-December na ng mga panahong iyon, malamig ang simoy ng hangin tuwing umaga, laging may konting ubo si Mam Gaerlan o kaya naman’y madalas siyang masamid sa klase habang nagle-lecture.

“Bili mo muna ko ng strepsil sa baba!” ang utos nya sa akin.

Habang naglalakad pababa sa lumang building na ‘yon, kinakausap ko ang aking sarili pero hindi ako nagsasalita kundi sa isip lang, “kaaakyat ko lang bababa na naman!”

Ganon ang kadalasang nangyayari sa akin tuwing umaga sa GSB Building sa subject ni Mam Gaerlan. Kaya ng matapos na ang sem at kuhanan na ng class card hindi nakapagtatakang kahit na ang dami kong late at minsan ay may mga absent pa, 1.75 ang grade ko.

Naikuwento ko sa inyo ang buhay ko noong nag-aaral pa ako ng college dahil may isang libro si Dikong Ben na kasama sa mga abubot na inilipat namin mula Quiapo patungong Sta. Cruz na tungkol sa panaginip. Lumang-luma na ang librong ito at pilas na ang cover at ang mga unang pahina ay punit-punit na, pero pinagtitiyagaan parin naming basahin.

Noon kasing nagbo-boarding house kami sa Alvarez St., Sta. Cruz, Manila at kahit na noong nasa Quiapo pa kami, madalas akong managinip at sa tuwing ako’y mananaginip, habang nag-aalmusal kinukuha ko ‘yong lumang aklat na iyon ni Dikong Ben, upang tingnan ang kahulugan ng aking mga napapanaginipan.

Hanggang-hanga ako sa librong iyon at hindi ko talaga makalimutan. Tulad ng nasabi ko na, nakapanghihinayang dahil nasira na ang cover at pilas na rin ang ilang mga pahina sa unahan, kaya hindi na nababasa sa libro na iyon ang pangalan ng awtor o kung sino mang tukmol ang sumulat ng nasabing aklat.

Ganon paman, kahit punit-punit na dala ng labis na kalumaan, tulad ng nasabi ko na hangang-hanga ako sa lumang libro na iyon tungkol sa kahulugan ng mga panaginip dahil karamihan sa mga interpretation sa mga bagay-bagay at sa mga pangyayaring madalas kong mapanaginipan ay sakto at tama ang kahulugan.

Isang halimbawa noon nag-aaral pa ako ng college ay madalas akong

managinip ng hagdanan. “Umaakyat daw ako sa isang mataas na hagdanang yari sa bato, na ang parang “setting o panahon” ay medyo hapon na at parang ako lang mag-isa ang umaakyat.”

Kinaumagahan pagka-gising na pagka-gising ko palang,pupungas-pungas pa, dali-dali kong kinuha yong lumang librong ikinukuwento ko sa inyo sa book shelf. Aabutin mo langang nasabing libro sa book shelf na nakapako sa dingding katapat ng lamesang kainan. Kung saan, laging doon nakapuwesto ang libro na ‘yon, para kapag nanaginip ka, habang nag-aalmusal o humihigop ng kape, hindi mo na siya hahanapin, madali mo lang siyang makikita upang basahin.

Tiningnan ko ang kahulugan ng ladder. Nasa wikang English kasi ang nasabing lumang libro ni Dikong Ben tungkol sa kahulugan ng mga panaginip. At ganito ang nakasulat: “Kapag napanaginipan mo na naglalakad ka sa hagdanan at nakarating ka sa tuktok nito, ito ay senyales ng magandang kapalaran. Nangangahulugang mararating mo ang lahat ng iyong mga binabalangkas at pinapangarap sa buhay. Kung ikaw naman ay isang mangangalakal, iihip ang hangin ng kasagaaan sa iyong negosyo at sa pamamagitan ng sarili mong mga palad mapapaunlad at mapagpapala mo ang iyong negosyo hanggang sa ikaw ay yumaman. Kung ikaw ay isang magsasaka, ang hagdanan ay nangangahulugang mamumunga ng marami ang lahat ng lupa na iyong bubungkalin at tataniman, marami kang aanihin hanggang sa ikaw ay umasenso. Kung ikaw naman ay isang estudyante ang hagdanan ay nagpapahiwatig na maaabot mo ang rurok (climax) ng mga inaambisyon mo sa iyong propesyon o sa iyong career. Dagdag dito, sa pangkalahatan, ang hagdanan ay nagpapahayag din ng karangalan, pagsikat at kasaganaan”
***

Please follow and like us:

Edgar Cayce (1877-1945) “The Sleeping Prophet”

Standard

Noong ika-18 ng Marso, 1877 sa liblib na bayan ng Hopkinsville, Kentucky, U.S.A. isinilang ang isang “propeta”, may kakayahan siyang basahin ang kapalaran ng isang tao, i-diagnose ang ibat-ibang uri ng karamdaman at nagagawa din niyang sagutin ang kahit anong uri ng katanungang hindi kayang sagutin ng pangkaraniwang mga tao, siya si Edgar Cayce.

Nagagawa din ni Cayce, mang-gamot sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang “diagnosis” at saktong reseta, sa kanyang libo-libong pasyente na araw-araw ay nagtitiyagang pumipila sa kanyang klinika. Nagagawa niya iyon, (mag-diagnose ng mga may sakit) sa pamamagitan lamang ng “pagbasa” o “pag-interpret” sa kanyang sariling panaginip.

Upang maituro ang tamang gamot sa kahit anong uri ng karamdaman ng kanyang pasyente hihingin lamang niya ang kumpletong pangalan at kumpletong address nito. Sa tabi ng kanyang pasyente sisimulan nya ng matulog. Habang siya’y natutulog naglalakbay ang kanyang “unconscious self” sa ibat-ibang daigdig, kasabay nito ikinukuweto niya ang mga bagay na natuklasan ng kanyang “unconscious self” at isinusulat ng kanyang sekretarya ang kanyang mga kasagutan sa bawat tanong, ganon din ang dahilan ng iniindang karamdaman ng kanyang pasyete at kung ano ang tamang lunas dito.

***
Ang Atlantis

Ayon kay Edgar Cayce na mas lalong kilala sa taguring “The Sleeping Prophet”, habang ang isang tao’y tulog at nanaginip, hindi niya namamalayan naglalakbay ang kanyang diwa sa isang “mahiwagang daigdig” at ang daigdig na ito ay ang mayamang siyudad ng Atlantis.

Sa Atlantis matatagpuan ang kumpletong “record” ng bawat tao sa mahiwagang aklat na Akashic Record. Dito nakasulat kung paano nagsimulang mag-lakbay ang kaluluwa ng isang tao, hanggang sa ito ay nagpasalinsalin sa ibat-ibang katauhan (reincarnation at transmigrated of the soul) at kung saan uli ito lilipat ng panibagong kaayuan sa sandaling siya ay mamatay.

Ang Atlantis ay isang malawak na tipak ng lupa sa ilalim ng Atlantic Ocean na noong unang panahon ito ay itinuring na “ikawalong kontinente” na ubod ng unlad kung ikukumpara sa kasalukuyang panahon.

Pinaniniwalaang ang mga tao sa Atlantis ay sobrang talino at may katangiang mala-superman, na nakakalipad ng patagilid, pa-sulong, paatras at may kakayahan ding makarating sa ibat-ibang planeta at makipagtalastasan sa mga alien.

Ginunaw ang makapangyariahng siyudad ng Atlantis, dahil ang mga naninirahan doon ay naging hambog, naging sobrang mayabang hanggang sa tuluyang nakalimot sa Diyos. Sa pamamagitan ng isang malakas na lindol na lumikha ng napakalaking pagbaha, nagkahati-hati ang nasabing kalupaan, sa isang iglap, ito ay lumubog sa kalaliman ng Atlantic Ocean.

Iba naman ang pahayag ni Cayce, sa halip ayon kay Cayce, ang tunay na nangyari sa Atlatis ay hindi sila nahusto sa tinataglay nilang karunungan at kapangyarihan (greed of power). Kaya tumuklas pa sila ng tumuklas ng mga bagay na magpapalakas pang lalo sa kanilang kapangyarihan. Natuklasan nila ang hiwaga at kapangyarihan ng “power crystal” na may nakapakalakas na enerhiya. Itinodo nila ng itinodo ng todong-todo ang lakas ng nasabing “power crystal” na humihigop ng napakalakas na solar energy mula sa sa araw.

Dahil sa sobrang lakas ng energy na nagmula sa araw, nagbuga ng ibat-ibang kulay ng beam of lights ang power crystal. Sa sobrang lakas, hindi nakayanan ng “power crystal” ang kanyang kapangyarihan, hanggang sa nauga ang pundasyon ng mundo, nagdilim ang paligid at nakanlungan ng napakakapal na ulap ang liwanag ng araw. Dahil sa todong lakas ng power crystal, sumabog ito. At kasunod ng napakalakas na pagsabog lumindol ng napaka-lakas at nagkabitak-bitak ang mga lupa. Mula sa malalaking bitak ng lupa bumulwak ang tubig mula sa ilalim ng lupa at kasabay nito umahon sa karagatan ang makapal at mataas na alon ng tubig, na nasundan ng sunod-sunod pang malalakas na daluyong ng alon at mga pagsabog hanggang sa unti-unting nilamon ng dagat ang buong Atlantis, na na magpahanggang ngayon ang nasabing siyudad sa ilalim ng dagat ay matiyaga paring hinahanap, ngunit ni kapirasong bakas ay wala ng matagpuan ang mga historians at mga antropologo.

Ayon kay Edgar Cayce kapag hindi tumigil ang kasalukuyang henerasyon sa pagtuklas ng high tech na mga bagay, matutulad ang ating mundo sa Atlantis. Sa rurok ng napaka-tayog na tagumpay sa bandang huli makakatuklas din ang mga siyentista ng napakalakas na enerhiya, itotodo nila ng todong-todo ang lakas nito at walang pakundangang gagamitin ang kapangyarihan ngnasabing “super power energy” hanggang sa hindi nila makontrol ang ibubuga nitong lakas, na siyang magiging dahilan upang tuluyang mawasak at ganap na magunaw ang mundo.

Sinasabing nakapanghula at nakapag bigay ng tumpak na diagnose si Edgar Cayce, dahil habang siya’y natutulog sa pamamagitan ng kanyang mga panaginip nagagawa ng kanyang “unconscious self” na makipagtalastasan at direktang makipag-usap sa mga taong nabuhay sa panahon ng Atlantis at ang mga taong ito ay nagtuturo sa kanya ng tamang lunas sa ibat-ibang uri ng karamdaman. At sa pamamagitan din ng mga taong ito na naninirahan sa Atlatis nagagawang buklatin at basahin ni Cayce ang “individual data” ng mga sumasangguni sa kanya na nakasulat sa Akashic Record.

***
Ang Akashic Record

Sinasabing may isang mahiwagang aklat na nagkukubli sa ika-anim na elementong tinatawagna “aether.”

Kung matatandaan, may apat na “terrestrial classical elements” na nalalaman ang mga sinaunang philosophers, ito ay ang elementong lupa, apoy, hangin at tubig.

Ngunit tulad ng nasabi na, may ikalimang elemento at ito ay ang aether. Ang aether ang siyang nagsisilbing espasyo na lalagyan ng lahat ng bagay at dito rin sa elementong ito naglalagos ang enerhiya ng liwanag.

Ang elementong ito ay mas magaang kaysa sa hangin at ito ay matatagpuan sa celestial region, na siya ring pinaglalagyan ng ating solar system at ng iba pang mga galaxies sa kalawakan, kung kaya’t ang mga planeta, araw, buwan at mga bituin ay hindi nahuhulog sa outer space dahil nga sa elementongaether.

Bukod sa salitang “aether” ang elementong ito ay tinatawag din ng mga Alchemists na quintessence. Sa kasalukuyang panahon ang “aether” na siya ring“fifth element” ay tinawag ng mga modernong scientists na “dark energy” at “the fifth fundamental force.”

Sa aether matatagpuan ang Akashic Record ng bawat nilalang at ito ay made-decode lamang kung ang isang mystic o kaya’y isang psychic ay nagtataglay ng isang pamgbihirang kakayahan upang siya ay malayang makapasok sa “non-physical plane of existence” o sa “astral plain” na tinatawag.

Tulad ng naipaliwanag na sa panahong si Cayce ay natutulog naglalakbay ang kanyang diwa sa astral plain at dito niya malayang binabasa ang Akashic Record ng kanyang mga pasyente.

Nakasulat sa Akashic Record ang mga nakaraang pangyayari sa buhay ng isang tao bago pa siya isilang (life before birth) at sa panahon naman ng kanyang kamatayan, nakasulat din sa Akashic Record kung saang nilalang naman lilipat ang kanyang kaluluwa (reincarnation).

Madaling natutuklasan ni Cayce ang mga lunas sa karamdaman, ganon din ang mga suliraning bumabagabag sa isang tao, sapagkat nakasulat din saAkashic Record ang lahat ng kapalarang magaganap sa isang partikular na tao, habang siya ay nagpapalipat-lipat sa ibat-ibang anyo ng nilalang(Transmigration of the soul).

Ang lahat ng ito ay nakasulat sa Akashic Record, kung saan sa paniniwala ng mga Kristiyano ito rin ang tinatawag na “aklat ng buhay” na binanggit ng ebanghelistang si San Juan sa kanyang prophetic book na Revelation, tinatawag ding Apocalipsis ni Juan o ang Pahayag (Revelation 20:12).

Bukod sa mga ispesipik na nagaganap sa buhay ng isang tao at kung ano ang kanyang kahihinatnang kapalaran, mababasa din sa Akashic Record ang kasaysayan ng unang sibilisasyon, tulad ng nangyari sa siyudad ng Atlantis, kung paano nagaganap ang “evolution process” ng bawat may buhay, mula sa maliit na amoeba hanggang sa pag-evolved ng modernong mga tao sa kasalukuyang panahon. Nakatala din sa Akashic Record ang kumpletong kuwento ng “divine creation”; ang kuwento tungkol sa “pakikipag-asawahan ng mga anghel at higante sa mga tao” na nagsilang ng Aryan Race at ng ibat-ibang uri ng mga “hybrid” na nilalang; at kung ano ang patutunguhang kapalaran ng kasalukuyang sibilisasyon at kung ano ang magiging wakas ng ating planetang mundo at ng buong sansinukob.

Noong 1931 sa gilid ng baybaying dagat sa Virginia Beach, Virginia, U.S.A. lalong napabantog ng husto sa apat na sulok ng mundo ang pangalang Edgar Cayce dahil sa kakaibang istilo ng kanyang panggagamot. Noon ding panahong iyon sa kasagsagan ng kanyang kasikatan, itinatag niya ang non-profit organization na Association for Research and Enlightenment na may sariling ospital at sariling universidad.

Ang Association for Research and Enlightenment ang kasalukuyang nag-iingat ng mga tala ng mga pangalan ng mga naging pasyente ni Cayce sa mahabang panahon ng kanyang pagpapagaling. Nakasulat din sa nasabing dokumento, ang mga diagnosis sa ibat-ibang uri ng karamdaman at ang pinakamabisa gamot dito. Sinasabing sa kanyang kapanahunan humigit kumulang ayon sa tala 14,306 “readings” ang kanyang naisagawa mula taong 1923 hanggang 1944.

Bago tuluyang binawian ng buhay noong Enero 3, 1945 sa edad na 67, kinilala si Edgar Cayce bilang “father of holistic medicine and the most documented psychic of the 20th century.”
***

 

Please follow and like us:

Ang lihim na pinto pabalik sa Halamanan ng Eden

Standard

O God! can I not save
One from the pitiless wave?
Is all that we see or seem
But a dream within a dream?”
~ Edgar Allan Poe, (1809-1849)

Minsan ay nanaginip si Jesus King ang panganay kong anak. Isang umaga, tinanong niya ako: “Papa Honorio, bakit po ba nananaginip ang tao at saan po ba nanggagaling ang ating mga panaginip?”

“Pagtimpla mo muna ako ng kape anak,” ang utos ko sa kanya habang umaakyat kami sa ikatlong palapag ng aming bahay.

Nang dumating na ang mainit at umuusok na kape, umupo kaming mag-ama sa dalawang magkaharap na silya sa tapat ng maliit na mesa at nagsimula na akong mag-kuwento:

“Noong unang panahon hindi nananaginip ang mga tao. Walang bumabagabag sa kanyang pagtulog. Gumigising ng masarap ang pakiramdam at payapa ang isipan. Walang kasing ganda ang silahis ng araw na bumabalot sa umaga. Ang mga tao’y bumabangon lagi ng masaya at lumilipas ang araw ng walang problema.

Ito ang panahong nasa paraiso pa ang ninuno nating si Eba at si Adan. Hawak mo ang lahat ng oras, nagagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin. Walang kumokontra, walang “conflict”, buo ang pagkatao at napakaligaya.

Ngunit ng magkasala si Eba at Adan ng kainin ang bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng paraiso na ipinagbabawal ng Diyos na kainin, nagsimulang mawala ang kaisahan sa pagkatao ng bawat nilalang. Lumisan ang tunay na ligaya na nadarama ng kanyang puso. Nagkaroon ng oras, hindi na niya magawa ang lahat ng kanyang gustong gawin. Marami ng isinasaalang-alang, laging may pagdadalawang isip at kung anu-ano ang hinahanap. Trabaho ng trabaho, gawa ng gawa, ngunit tila laging may kulang ang buhay upang maging maligaya.

 

At dahil wala na sa paraiso ang tao, napuno ng kaguluhan at labis na pag-aalala ang kanyang isipan. Sa tuwi-tuwina, lagi ng may takot at pangmba ang kanyang puso.

Mula noon, “malayong-malayo na ang tao sa Diyos”, tuluyan na siyang naligaw ng landas, nagsimula ng managinip ang mga tao. Madalas ang mga panaginp niya ay larawan ng labis na pagkabalisa (anxieties); hindi maunawaang takot (fears); mga pangamba (worries); hindi mapanatag na desisyon kung ano ba ang dapat at hindi dapat gawin (conflicts).

Dahil nawala na sa paraiso ang tao, nagkaroon na siya ng magulong kalagayan at hindi maunawaang karanasan sa mundo, at habang ito ay nararanasan niya sa kanyang sarili, ang hindi niya alam, nagsisikap parin ang “unconscious self” niya na makabalik sa dati niyang kalagayan – isang masayang buhay, na walang problema, kung kaya’t bukod sa madalas mapanaginipan ay may kaugnayan sa “anxieties, fears, worries at conflicts” kung magkaminsan ang ating mga panaginip ay may kaugnayan sa “wish fulfillment.”

“Wish fulfillment” kung saan, “akala mo’y totoong-totoong nangyayari at natutupad sa iyong panaginip ang isang bagay na hindi mo magawa sa “walking life” mo o sa panahong ikaw ay gising, pero sa panaginip, tulad ng nasabi na, successful at maligaya ang damdamin dahil natupad at napangyari mo sa iyong panaginip ang isang bagay na hindi mo mapangyari ni minsan habang ikaw ay gising.” Ngunit pagising mo, magugulat ka pa, yong panaginip mo kagabi na akala mo’y tunay na tunay ay hindi naman pala nangyari sa katotohanan.

Ang totoo, pansamantalang pinatikim ka ng iyong diwa habang ikaw ay tulog ng isang pangyayari, may katumbas na tila nakabalik ka sa isang kalagayang nasa paraiso – walang problema, masaya at maligaya.

Pero dahil hindi nga ito totoo, sa muli mong pagtulog, mananaginip ka na namang muli, at walang katapusang pagtulog at panaginip, habang ikaw ay hindi pa nakakabalik sa tunay at dati mong tirahan – ang isang masaya at walang problemang halamanan ng Eden.

Sa madaling salita Anak, sa panahong ikaw ay mahimbing na natutulog at wala sa iyong sarili, alam na alam ng “unconscious self” mo ang tunay niyang tahanan, isang masayang paraiso na lagi niyang binabalik-balikan, ngunit sa tuwing ikaw ay nagigising muli ka na namang naliligaw ng landas.”

Nagsalita si Jesus King: “Kaya po pala nananaginip ang isang tao ay bumabalik si unconscious self sa paraiso?”

“Tama anak” ang sagot ko sa kanya, “Si unconscious self ay hindi taga-rito sa ating mundo, iba ang kanyang daigdig sa daigdig natin. Kung kaya’t sa tuwing ikaw ay tulog, at nananaginip wala kang kamalay-malay, humuhulagpos si “unconscious self” na hindi natutulog sa iyong pagkatao, kung saan-saan siya naglalakbay hanggang sa marating niya ang isang lihim na pinto, kumakatok siya dito, ito ang pintuan ng tunay niyang tahanan – ang halamanan ng Eden.”

***

Please follow and like us:

Introduction

Standard

 

“Dreams are the royal road to the unconscious.” ~ Sigmund Freud

Ang Pinakapetmalung Pagbibigay Kahulugan ng iyong Mga panaginip Gumawa ako ng “book na apps” upang matutunan ninyo ang kahulugan ng inyong mga panaginip sa moderno at pang Millennials na “Galawang Hokage” at “Galawang Breezy” na diskarte. Nangyari, dahil sa Facebook account ko, araw-araw napakaraming nagtatanong ng kahulugan ng kanilang mga panaginip. Kaya naman sa pagkakataong ito, libre at walang bayad ko sa inyong ipagkakaloob ang pagbibigay ng “pinaka-malupit na interpretasyon sa inyong mga panaginip.” Medyo mahaba ang introduksyon natin sa asignaturang ito, dahil ang pangarap ko talaga ay “hindi lamang para malaman n’yo ang kahulugan ng inyong panaginip” bagkus kailangang matuto din kayo kung paano iinterpret ang panaginip ng inyong mga kapamilya, kasamahan sa trabaho, kaklase, kaibigan, o kung sinuman, “Pabebe”, ang nagnanais na magpa-intepret nang kanilang panaginip. “Petmalu” ko ring tinalakay “in psychological and mystic point of view” ang tanong na: “Saan ba nanggagaling ang ating mga panaginip at bakit ba tayo nananaginip?” Partikular kong ipinaliwanag na mabuti ang pananaw ng dalawang paborito kong psychologists na si Carl Jung at Sigmund Freud tungkol sa kung paano sila mag-interpret ng panaginip. Pero siyempre sa kabila ng mala-scientific na diskarte, hindi ko rin kinaligtaan hindi isali ang kahulugan ng mga panaginip, “ayon sa makaluma at pang-tradisyonal na interpretasyon”. Kaya sa pagkakataong ito, matutunghayan n’yo na ngayon ang isang pinaka-kumpleto, pinakamalupit, ang “traditional-science-mystic interpretation” ng inyong mga panaginip na dito n’yo lang mababasa sa pinaka-petmalu ninyong awtor, Nagmamahal ng lubos, Maestro Honorio Ong

-30-

Please follow and like us: